Ang display Property ng CSS

Tingnan nating muli ang display property ng CSS.

Pamilyar tayo sa common values ng display property. Nandiyan ang inline, block, at inline-block. Recently, nakita rin natin na nadagdag sa mga ito ang flex at grid. Pero karamihan sa atin, hindi alam na may 28 values[1] pala na puwedeng ilagay sa display property!

Pero alam n’yo ba na may bagong syntax ang display property? Sa CSS Display Module Level 3, binanggit ang bagong syntax na ito ng display. Tingnan natin ang details nito.

Ang basics ng display property

Pag-usapan muna natin ang inline at block elements. Kapag sinabi nating inline, ibig sabihin, nakadepende ito sa writing mode ng isang language. Sa Filipino, ang writing mode natin ay left-to-right dahil nagsusulat tayo mula kaliwa pakanan. Ang block naman ay ang direction na pupuntahan ng text kapag napuno na ang inline. Sa Filipino, kapag napuno na ang isang line, magra-wrap ang susunod na mga salita sa susunod na line, kaya ang block direction natin ay top-to-bottom.

Ganito ang nangyayari sa mga elements natin na may inline at block display. Kapag inline ang isang element, ile-layout ito ng browser from left to right. Kapag block naman ito, ile-layout ito from top to bottom.

See the Pen Inline and Block by Francis Rubio (@maniczirconium) on CodePen.

Inner at outer values ng display

Kapag ginawa nating inline o block ang display ng isang element, alam natin kung ano ang nangyayari sa element. Pero ano ang mangyayari kapag ginawa natin itong display: grid? Halimbawa, gumamit tayo ng <span> element, na by default ay inline, at gawin natin itong isang grid.

See the Pen Inline to Grid by Francis Rubio (@maniczirconium) on CodePen.

Naging block ang span sa halip na inline no’ng ginawa natin itong grid. Sinakop nito ang space ng isang buong line. Pero hindi naman natin iyon ini-specify, paano nangyari iyon? Sa CSS Display Module Level 3, binanggit na dalawa ang value ng display property, ang outer at inner value:

display: <outer> <inner>;

Dine-define ng outer display ang magiging behavior ng element in connection to its parent element. Dine-define naman ng inner display ang magiging layout ng direct children nito. Ibig sabihin nito, kapag nilagay natin ang display: grid, ang nakikita talaga ng browser ay display: block grid, meaning block element ito in relation to its parent element, pero ile-layout nito ang children nito sa isang grid. Magiging block container ang element na may display: grid. Ganito rin ang mangyayari sa isang element na may display: flex; para sa browser, ito ay magiging display: block flex.

Malaking tulong ito dahil ine-explain nito agad ang gusto nating mangyari sa layout natin. Kapag nilagay natin ang display: inline grid, ang aasahan natin ay magiging inline ito para sa parent element nito, pero magiging grid ang elements sa loob nito.

Further reading


  1. Tingnan ang display property sa MDN Docs ↩︎